Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki sa Singapore dahil sa ipinadala niyang mensahe sa isang private chat group sa Facebook na isasara daw ang mga food outlet dahil sa COVID-19 kaya dapat mag-imbak ng pagkain.
Sa ulat ng Reuters, sinabing hinatulan ng piskalya ang 40-anyos na taxi driver na si Kenneth Lai Yong Hui, na makulong ng apat na buwan dahil sa kaniyang ginawa.
Batay sa case record, sinabing mayroong 7,500 na miyembro ang naturang FB group kung saan ipinadala ni Lai ang kaniyang maling mensahe tungkol sa gagawing paghihigpit umano ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Sa mensahe umano ni Lai, sinabi niya na isasara ang mga food court at coffee shops, at dalawang beses sa isang linggo lang bukas ang mga supermarket.
Binura umano ni Lai ang mensahe pagkaraan ng 15 minuto.
Pero sa kabila nito, nagpasya pa rin ang public prosecutor na parusahan si Lai para hindi gayahin ng iba.
“The psychological fight to allay fear and hysteria is just as important as the fight to contain the spread of COVID-19,” ayon kay deputy public prosecutor Deborah Lee.
Nakarating sa korte ang usapin nang may magreklamo umano sa pulisya noong Abril 20 tungkol sa post ni Lai.
“Better go stock up your stuff for the next month or so,” saad umano sa post ni Lai, habang nagkomento naman ang mga tao na huwag magpakalat ng tsismis.
Ibinaba ang hatol na pagkakakulong kay Lai nitong Miyerkules. Hindi kaagad siya nakuhanan ng komento tungkol sa kaniyang kaso, ayon sa ulat.
Sa ilalim ng batas ng Singapore, isang kasalanan ang pagpapakalat ng maling impormasyon na may parusang multa na hindi hihigit sa S$10,000 ($7,000) o pagkakakulong ng hindi hihigit sa tatlong taon, o pareho.--Reuters/FRJ, GMA News
Comments
Post a Comment