Featured Post

Pumanaw na aktor na si Menggie Cobarrubias, positibo sa COVID-19


MAYNILA — Limang araw pagkatapos mamaalam ng batikang aktor na si Menggie Cobarrubias, nakumpirmang COVID-19 ang kanyang ikinamatay. 
Ito'y ayon sa kanyang biyudang si Gina Cobarrubias na tinanggap kahapon, Marso 31, ang official COVID-19 test result mula sa St. Luke's Medical Center Global City sa Taguig. 
Pumanaw ang 66 taong gulang na aktor noong Marso 26 matapos makaranas ng pananakit ng katawan, hirap sa paghinga at pagbaba ng kanyang blood platelets na unang inakalang sintomas ng dengue. 
Si Menggie ay ang 1980 Urian best supporting actor para sa pelikulang “Jaguar” ni Lino Brocka. Kinilala rin ang husay ni niya bilang aktor sa marami pang pelikula nina Brocka, Behn Cervantes at Joel Lamangan. 

Kabilang sa mga huli niyang palabas ang teleseryeng “Make It With You” at “The Killer Bride,” at mga pelikulang “Just A Stranger,” “Eerie,” “Signal Rock” at “Mauban.”
Samantala, si Gng. Cobarrubias, 65 taong gulang, ay nagkasakit na rin at nasa pangangalaga ng New Era Hospital sa Quezon City. 
Sabi niya sa ABS-CBN News sa telepono, inaantay pa niya ang resulta ng kanyang COVID-19 test na ginawa nung Sabado. 
Umapela si Mrs. Cobarrubias sa kanyang sitwasyon ngayon lalo't wala siyang bantay na kapamilya .
Ayaw din daw niyang obligahin ang kanyang anak na nasa Cavite na samahan siya sa ospital dahil may asthma ito. 
"I ask for your prayers at this time," ani Gng. Cobarrubias.

Comments