Featured Post

Mga lumalabag sa curfew sa Parañaque, pinapaupo sa tabi ng ataul


Tila may lamay gabi-gabi sa labas ng barangay hall ng San Isidro, Parañaque City matapos pwestuhan ng ataul ang harapan nito noong Lunes.

Walang laman ang ataul, pero pinauupo sa paligid nito ang mga residente ng barangay na nahuhuling lumalabag sa curfew na kasabay ng enhanced community quarantine.

Nilagyan ang ataul ng mga karatulang "Stay at home or stay inside". Mayroon pang blangkong picture frame na sinulatan ng "Insert picture here".

Aabot lang ng isang oras ang "paglalamay" ng mga curfew violators na naghihintay kunin ang mga detalye nila bago ipauwi.

Ayon sa punong barangay na si Noel Japlos, harapang paalala na rin ito sa posibleng kahihinatnan ng pagkahawa sa COVID-19 kung hindi susundin ang quarantine.

"Nakakalungkot na hindi nila naiisip ang importansya nito. Maiisip lang nila 'yon pag naramdaman nila na ang mahal nila sa buhay ay namatay," aniya.

Ayon kay Japlos, 2 taga-San Isidro na kasi ang namatay sa sakit. Walo naman ang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa barangay.
Sa kabila nito, patuloy pa rin may nahuhuling lumalabas ng bahay.

Mayroon pa ngang residente na 3 beses nang nahuhuli.

Mula huling linggo ng Marso, magdamag na ang curfew sa Parañaque at tanging ang may quarantine pass ang pwedeng lumabas.
Nitong April 5, may 155 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Parañaque City. Labing-apat na ang namatay at 6 naman ang naka-rekober.

"Kailangan maging reminder natin na iyong laban na to ay covid 19 hindi kapwa Pilipino. Kailangan may disiplina," ani Japlos.

"Kung 'di natin susundan ang sinasabi ng mga dalubhasa na dapat laging nasa bahay lang, 'di tayo matatapos sa labang ito."

Noong simula ng community quarantine sa Metro Manila, kumalat online ang tila pagbilad sa araw mga lumabag sa curfew sa Barangay San Isidro, pero giniit ni Japlos na hintayan ito sa pagproseso ng mga nahuling violator at walang ibang maluwag na lugar sa barangay.

Ginamit na rin ang mga bakanteng ataul bilang paalala sa banta ng COVID-19 sa ibang lugar sa PIlipinas. Agaw-pansin ito sa isang checkpoint sa Pampanga, habang pinababantay din ito sa mga lumabag sa curfew sa bayan ng Santo Tomas, Davao Del Norte.

Comments