Featured Post

Paggamit sa isang hotel sa Puerto Princesa bilang quarantine facility tinutulan


Inalmahan ng mga residente ng isang barangay sa Puerto Princesa, Palawan ang balak ng kanilang lokal na pamahalaan na gamiting quarantine facility ang isang hotel sa kanilang lugar.

Noong Biyernes, nagdaos ng protesta ang mga taga-Barangay Manggahan laban sa paggamit sa Skylight Hotel sa kanilang lugar bilang pasilidad na paglalagyan ng mga patient under investigation (PUI) para sa coronavirus disease (COVID-19).

"Sana maunawaan lang kami ni Mayor [Lucilo] Bayron na huwag naman po sana dito dahil marami rin po kaming senior citizen, iniingatan din naman ang aming pamilya," anang residenteng si Tyron Sarmiento.

Mapanganib ang COVID-19 sa mga senior citizen, may mahihinang resistensiya, at may underlying condition o ibang sakit gaya ng diyabetes at hypertension.

"Akala nila PUI, galit kami sa mga doctor saka nurse, hindi po. Hindi po namin sila dini-discriminate o inaaway, location lang po talaga," dagdag ni Sarmiento.

Iminungkahi ng mga demonstrador na ibang lugar, gaya ng Puerto Princesa City Coliseum o City Hall, na lang ang gamiting quarantine facility.

Ayon kay Margil AvanceƱa, chairperson ng Barangay Manggahan, hindi rin niya alam na sa kanilang barangay ilalagay ang pasilidad.

Sa panayam naman ng ABS-CBN News noong Linggo kay city administrator Arnel Pedrosa, ipinaliwanag nito na pumasa ang hotel sa mga standard ng Department of Health para sa quarantine facility.
Kabilang daw sa mga pamantayan ay ang pagkakaroon ng comfort room sa kada kuwarto, madaling mapupuntahan ng health workers, at malapit sa ospital.

"Lahat ng rekomendasyon ng City Health Office namin at ng medical professionals ay sinunod ng city kaya diyan 'yan nailagay," ani Pedrosa.

Magtatalaga rin daw ng mga pulis sa labas ng hotel para matiyak na walang PUI ang makalalabas, na maaaring makapanghawa sa mga residente sakaling mayroon nga silang SARS-CoV2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19.

Nauunawaan daw ng lokal na pamahalaan ang reklamo ng mga residente pero kahit saan naman ilagay ang pasilidad ay tututulan ito.

"Sa mga ganitong situwasyon, kailangang magdesisyon nang mas mabilis at hindi puwedeng babagal-bagal," ani Pedrosa.

Sa huling tala, 1 pa lang ang nagpositibo sa COVID-19 sa Puerto Princesa.

Comments