Featured Post

Sundalo patay sa engkuwentro sa Iloilo


LAMBUNAO, Iloilo - Patay ang isang miyembro ng Philippine Army sa engkuwentro sa pagitan ng militar at mga rebelde sa Sitio Aguilan, Barangay Panuran sa Lambunao, Iloilo Martes ng madaling araw.

Ito'y sa kabila ng ceasefire na idineklara ng magkabilang panig sa gitna ng krisis sa pagkalat ng COVID-19. 

Ayon sa militar, nagsasagawa ng humanitarian mission ang mga sundalo sa lugar, partikular ang information drive tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nang makatanggap sila ng impormasyon na may presensya ng mga armadong grupo.

Kaagad na nagsagawa ng security patrol ang mga sundalo ngunit bago pa man sila makalapit sa posisyon ng mga rebelde ay pinaputukan na umano sila ng mga kalaban.

Tumagal ng halos 20 minuto ang bakbakan na ikinasawi ni Private First Class Mark Nemis.

"Nakakalungkot po na itong mga NPA na noon po ay nasa bundok na sa kabila ng kanilang pagdeklara ng ceasefire ay bumaba sila sa mga bundok at lumapit doon sa mga barangay upang i-take advantage itong efforts ng ating pamahalaan," pahayag ni Army Captain Cenon Pancito III, ang spokesperson ng 3rd Infantry Division, Philippine Army.

Bago pa man naganap ang engkuwentro ay may natatanggap nang impormasyon ang militar na may ginagawang mass recruitment ang mga rebelde sa barangay na pinangyarihan ng engkuwentro at mga kalapit na lugar.

Kung kaya't sa kabila ng umiiral na ceasefire ay kailangang tumugon ang militar sa mga impormasyong ipinaparating sa kanila ng mga residente, aniya.

"As part of our defensive posture kailangan po nating paigtingin pa lalo ang ating ginagawa sa area at doon nga po nangyari ang hindi inaasahang engkwentro mula po sa ating pwersa at sa New People's Army," dagdag pa ni Pancito.

Kinondena naman ng pamunuan ng Philippine Army sa Panay Island ang ginawang pag-atake ng mga rebelde.

Ayon pa sa militar, ito'y tahasang paglabag sa ipinapatupad na tigil-putukan.

Sa kabila ng insidente, ipinangako ng militar na hindi sila titigil sa kanilang humanitarian mission laban sa COVID-19 sa mga komunidad sa bayan ng Lambunao.

Mas lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya laban sa COVID-19 lalo na't may kaso na ng local transmission sa naturang bayan.

Comments